-- Advertisements --

Patay ang limang katao sa naganap na sunog sa residential area sa Navotas City.

Nasa mahigit 70 kabahayan ang natupok sa Cadorniga St., Brgy. Bagumbayan North (BBN), Navotas City.

Kinilala ang mga nasawi na sina Teresa Lopez, 40 -anyos , Darlene Baluyot, 19-anyos , Asuncion Tongco Gonzales,50 -anyos , Diorella Gonzales, 18-anyos at isang 2-anyos na batang lalaki.

Dalawang katao rin ang sugatan sa insidente na kinilalang sina Carlos Oledan, 51 at Josefina Sarate, 64.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) nagsimula ang sunog dakong 3:58 ng hapon ng Lunes at ito ay umabot ng hanggang ikalimang alarma ng pasado alas-6 ng gabi.
Tuluyang naapula ang sunog ng 8:29 ng gabi.

Naging malaking hamon pa sa pag-apula ng sunog ang ipinapatupad na water interruption sa nasabing lugar.

Patuloy din na inaalam ang pinagmulan ng sunog habang ang mga nasawing biktima ay nailabas na sa kani-kanilang mga bahay.