-- Advertisements --

MANILA – Aabot na sa mahigit limang milyong indibidwal ang natuturukan ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Sa isang panayam sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na aabot na sa 5,120,023 doses ng bakuna ang naituturok ng pamahalaan simula noong Marso.

Mula rito, nasa 1,189,35 “fully vaccinated” o nakatanggap na ng dalawang vaccine doses.

Mula sa higit 5-milyong nabakunahan, nasa 1.4-milyon ang mga healthcare workers na pinakauna sa priority list. Ang 664,000 daw sa kanila ay fully vaccinated na.

Habang 1,368,836 pa lang ng 9-milyon senior citizens, at 1.15-milyon mula sa 22.7-milyong may comorbidity pa lang ang nakakatanggap ng bakuna.

Tiwala si Galvez na maaabot ng bansa ang “herd containment” ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa pagdating ng huling quarter ng taon.

Target kasi ng gobyerno na paakyatin pa sa higit 500,000 ang bilang ng mga nababakunahan sa loob ng isang araw.

“Pagka meron tayong steady supply, kaya nilang makuha mga target nila. Kaya ako, I’m very confident na makukuha natin ang containment by August or September — mako-contain na natin,” ani Galvez sa isang panayam.

May nakatakdang dumating sa bansa na 2.2-million doses ng Pfizer vaccines mula sa COVAX Facility sa Hunyo. Hiwalay pa ito sa 1-million doses ng Sinovac na naka-schedule rin dumating.

Ani Galvez, posible ring dumating ang 2-million doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility, at hanggang 2-million doses ng Sputnik V.