Patuloy na nagpapakita ng kahusayan sa disenyo ang Cebu matapos pasok sa Top 10 ang 5 Cebuano sa inilabas na resulta ng July 2025 Licensure Examination for Interior Designers.
Pawang nagtapos ang mga ito sa University of San Carlos (USC) kung saan topnotcher si Jan Marie Pepito Trocino na nakakuha ng 89.70%; na sinundan sa rank 2 ni Abigail Mae Kintia sa 87.70%; Leighanne Gabrielle Bersabal sa Rank 6 na may 85.30% rating, Mathea Pugoy sa rank 7 na nakakuha ng 83.60; at John Brix Cruza sa Rank 10 na may 83.15%.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Trocino at Cruza, inihayag ng mga ito na bagama’t ang pagtingin ng ibang tao sa naturang kurso ay madali lamang, ngunit para sa kanila ay hindi umano kayang ipinta ang hirap na kanilang pinagdadaanan.
Ayon sa Topnotcher na si Trocino, kahit pa man nung 1st year college pa lang ito ay marami na umanong nagsi-alisan sa kanilang kurso ngunit nanatili umano siyang matatag dahil sa pangarap na gusto niyang makamit.
Aniya, may mga pagkakataon din umano na pinanghihinaan ito ng loob at gusto ng sumuko sa kursong kinuha ngunit naging kaagapay umano nito ang gabay ng Panginoon sa bawat desisyon nito sa buhay maging ang suporta ng kanyang pamilya.
Sa panig naman ni Cruza, pawis at puyat umano ang puhunan nito dahil pinagsasabay pa nito ang trabaho at paghahanda para sa naturang exam.
Dagdag pa ng Rank 10 na sa kabila ng kagustuhang maging isang Architect ay hindi pinalad na makapasa sa entrance exam ngunit naging biyaya din umano ang Interior Design na kurso dahil sa nakamit na na tagumpay nito ngayon.
Samantala, ibinahagi naman ng dalawa na ang sikreto sa kanilang tagumpay ay ang paglalaan ng sapat na oras sa pag-aaral, pagkakaroon ng tiwala sa sarili, at taos-pusong panalangin sa Diyos.
Payo pa ng mga ito sa mga nais kunin ang kursong Interior Design na huwag mawalan ng loob at huwag masyadong makinig sa negatibong opinyon ng iba dahil ang mahalaga ay kung ano ang nasa puso at kung paano pagsusumikapang makamit ang pangarap.