-- Advertisements --

Mula sa 3,617 sa unang araw ng bagong taon kahapon, tumaas sa 4,600 na bagong COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) cases ang naitala sa Pilipinas ngayong araw.

Base sa latest bulletin ng Department of Health (DOH), 21,418 na ang bilang ng aktibong kaso kung saan 769 ang asymptomatic o walang sintomas, 15,644 ang mild, 3,081 ang moderate, 1,589 ang severe o malubha, at 335 naman ang nasa kritikal na kondisyon.

Sa 4,600 na napaulat na bagong kaso ngayong araw, sinabi ng DOH na 4,548 o 99 percent ang naitala noong Disyembre 30, 2021 hanggang Enero 2, 2022, dahilan para umakyat na sa kabuuang bilang na 2,851,931 ang COVID cases sa bansa.

Ang mga rehiyon na mayroong pinakamaraming naitalang bagong kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region na may 3,279 infections, Region 4-A na may 676, at Region 3 na may 252.

Sinabi rin ng DOH na ang recoveries sa ngayon ay pumalo sa 535, kaya umakyat naman ang kabuuang bilang nito sa 2,778,943.

Ang bagong fatalities naman ay 25, kaya ang death toll sa ngayon ay pumalo na sa 51,570.