Tiniyak ni PNP chief PGen. Oscar Albayalde na magpapatuloy at mas lalong magiging relentless ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga kahit tuloy tuloy ang pagbaba ng krimen.
Sa talumpati ni Albayalde sa ika-118th police service anniversary sinabi nito na bukod sa pinalakas na kampanya kontra iligal na droga, pinaigting din nila ang kanilang internal cleansing program.
Sa katunayan nasa 434 police personnel na sangkot sa iligal drug trade ang sinibak na sa serbisyo.
Nasa 2,476 naman ang nahaharap sa kasong administratibo, nasa 4,240 ang suspended, 493 demoted at 45 ang nasa restrictive custody.
“Crime has remained on a downtrend and we are winning the war on illegal drugs. As I have promised since I assumed command over the PNP in April 2018, we will not relax, we will not relent, and we will fulfill our President’s vision of a drug- free Philippines ,” wika ni Gen. Albayalde.
Sa nakalipas na tatlong taon patuloy ang pagbaba ng mga crime incidents.
Ipinagmalaki din ni Albayalde na 26 PNP units ang ISO certified at ang PNP Crime Laboratory ang kauna-unahang unit ang naging ISO certified.
Iniulat din ni Albayalde ang pagbukas nila ng police attache office sa France and Indonesia at susunod sa bansang Thailand.
Lubos naman ang pasasalamat ni Albayalde kay Pang. Rodrigo Duterte na sa ilalim ng kaniyang pamumuno mas binigyang pansin nito ang kanilang capability enhancement program na umabot na sa P22.6 billion na ginamit ng PNP sa pagbili ng kanilang mga baril, sasakyan at helicopter.