-- Advertisements --

Hindi na lang mga lalawigan sa Visayas ang mahigpit na binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) dahil may mga emerging hotspots na ring natukoy ang ahensya sa Mindanao.

Sa online media forum ng DOH kanina pinangalanan ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang mga bagong emerging hotspots na sa apat na rehiyon: Sa Region 10, kasali sa tinututukan ang Bukidnon, Lanao del Norte, at Misamis Occidental.

Sa Region 11 naman kabilang ang Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Oriental . Habang sa Region 12, emerging hotspot na rin ang South Cotabato at Sultan Kudarat; at Maguindanao sa Bangsamoro Region.

Pero paglilinaw ng DOH, hindi dapat maalarma ang publiko sa bagong datos, kung bakit alamin sa paliwanag ni Usec. Vergeire.

“Doon sa pinaka-basic definition ng ‘hotspot’ kahit na isang kaso lang ang lumabas in a place where there is no previously identified confirmed case, hotspot case ka na.”

“Halimbawa si Place A dati zero siya, but after two weeks suddenly may isa siyang kaso, we consider them a hotspot.”

Ayon kay Usec. Vergeire, bahagi ng data gathering sa epidemiology ang pagkuha sa mga bagong datos para malaman kung bakit may biglang pagputok ng mga kaso ng sakit sa isang lugar na wala namang kaso ng infection noon.

Paliwanag ng opisyal, maraming factors ang dahilan kung bakit may biglang pagsulpot ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa mga nabanggit na lalawigan.

Pero hindi rin itinangi ni Usec. Vergeire na posibleng isa ang pag-uwi ng mga LSIs sa dahilan kaya nagkaroon ng emerging hotspots sa Mindanao.

“I’m not discounting that possibility na maaaring yung natural movement ng tao is a contributor to the sudden cases in specific areas. Tandaan natin, yung mobility ng tao, yung movement, especially when a person is coming from an area which has community transmission and going inside an area na talagang hindi sterile pero wala naman talagang maramihang kaso, maaaring iyon contributor ‘yon.”

Paalala ng opisyal, RT-PCR test pa rin ang gold standard sa COVID-19 testing kaya hindi muna dapat payagang makauwi ang LSIs na sumailalim lang sa rapid test.

Nilinaw naman ni Usec. Vergeire, na itinuturing din na emerging hotspot yung mga lugar na may dati nang kaso ng COVID-19, pero biglang nagkaroon ng mataas na bilang ng bagong kaso ng sakit.

Sa ngayon wala naman na raw lugar sa bansa ang may case doubling time na bababa sa pitong araw.