Matagumpay na napatay ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at tatlong iba pa sa inilunsad na combined military and police operation kaninang alas-2:00 ng madaling araw sa Barangay Alat, Jolo, Sulu.

Kinilala ni Joint Task Force Sulu commander M/Gen. William Gonzales ang napatay na ASG sub-leader na si Injam Yadah, Alis Raup, Al-Al Sawadjaan kapatid ng notorious ASG leader at bomber na si Mundi Sawadjaan, at isa pang ASG member na hindi pa nakikilala.

Sinabi ni Gonzales, isisilbi lamang sana ng mga military and police operative ang warrant of arrest para kay Yadah pero bigla na lamang sila pinaulanan ng bala dahilan para magpaputok din ang mga operatiba na nagresulta sa shootout.

Dead on the spot ang ASG sub-leader na sangkot sa iba’t ibang insidente ng kidnappings ng ilang Filipino at foreign nationals.

Ayon kay 35th Infantry Battalion commanding Officer, Lt. Col. Wilfredo Borgonia, sangkot din si Yadah sa pagdukot sa limang Indonesian nationals sa Malaysian waters noong January 2020, gayundin ang pagdukot kay Dr. Moreno sa Jolo, kidnapping sa Filipino-American na si Rex Triplett sa Zamboanga del Norte, at sa Tulawie kidnappings noong 2018.

Binigyang-diin din ni Gonzales na si Al-Al Sawadjaan ay mayroong kaalaman sa paggawa ng bomba at nagboluntaryo na maging suicide bomber.

Dagdag pa ng heneral na matagal na nilang tinutugis si Yadah na kilala bilang “extremely violent” gaya ng pagpugot sa kanilang mga bihag sibilyan man o sundalo.

Sa ngayon, dinoble pa ng militar sa Sulu ang kanilang effort para ma-neutralize ang notorious bomber na si Mundi Sawadjaan.