(UPDATE) TOKYO – Umakyat na sa apat katao ang namatay at 17 naman ang nawawala matapos na tumama ang pinakamalakas na bagyo sa Japan sa nakalipas na ilang dekada na siyang dahilan para ma-paralyze ang capital city na Tokyo, pagtaas ng tubig sa mga ilog at paglikas ng ilang milyong katao.
Ayon sa mga awtoridad, naitala ang mga casualty sa Chiba, Gunma, Kanagawa at Fukushima prefectures malapit sa Tokyo.
Kabilang sa mga nasawi ay ang 60-anyos na lalaki na natagpuan na lamang wala nang vital signs sa binaha nitong apartment sa Kawasaki.
Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang 17 iba pang nawawala hanggang sa ngayon.
Sa kabilang dako, iniulat ng Tokyo Electric Power Co na mayroon silang irregular readins mula sa mga sensor monitoring water sa kanilang Fukushima Daiichi nuclear plant sa magdamag.
Nabatid na naapektuhan ang naturang power plant ng malakas na lindol at tsunami na tumama sa lugar noong 2011.
Sa ilang bahagi naman ng Fukushima at Nagano prefectures, binaha rin ang ilang lugar at sakahan dahil sa malakas na ulan kaya napilitan ang mga residente na umakyat sa kanilang bubungan para sa kanilang kaligtasan.
Halos malubog din sa baha ang mga bahay malapit sa Chikuma river sa Nagano at isang katao ang nasagip ng helicopter makaraang sumilong sa ilaas ng bubong ng kanilang bahay.
Nabatid na mahigit 6 million katao sa Japan ang pinalikas ng mga awtoridad bago pa man hinagupit ang bansa ng malalakas na pag-ulan at matinding ihip ng hangin.
Gayunman, sa ngayon, nasa 100 katao na ang napaulat na sugatan habang mahigit 270,000 bahay naman ang wala pa ring kuryente.
Nitong Sabado ng gabi nang mag-landfall na sa Honshu Island sa Japan ang nasabing sama ng panahon, na nagdulot ng mga pagbaha sa mabababang lugar sa Tokyo na sinabayan pa ng high tide.
Itinuturing din ng mga eksperto na ito na ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa Tokyo mula noong 1958, bunsod na rin ng dala nitong record-breaking rainfall na 939.5mm ng ulan sa loob lamang ng 24 oras.
Inilagay na rin ang bansa sa level 5 special warning na siyang pinakamataas na antas ng disaster level na inisyu ng weather agency ng bansa.
Naka-standby naman ang nasa 17,000 pulis at sundalo para sa mga gagawing rescue operations.
Bago pa man tumama sa kalupaan ang bagyo, nagdulot na rin ito ng malawakang pagkaantala, tulad ng pagkansela sa dalawang laban sa Rugby World Cup, Japanese Grands Prix, at pag-ground sa lahat ng flights sa Tokyo. (AFP/ Al Jazeera) with reports from Bombo Dave Vincent Pasit