-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Kabilang ang 4 na Overseas Filipino Worker (OFW) sa mahigit 50 nasawi sa naganap na malagim na train accident sa Hualien, Eastern Taiwan kung saan na diskaril ang isang bullet train na bumangga sa nahulog na truck.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gng. Sherilyn Tomines, OFW sa Taoyuan District,Taiwan at tubong Naguilian Isabela na naging maagap ang rescue team ng Taiwanese government para makuha ang lahat ng labi ng mga nasawi sa train accident.

Ang dalawa sa mga nasawing OFW ay kasama ng kanilang mga amo na nakatakda sanang mag-tour habang ang dalawang iba pa ay factory workers.

Aniya ang truck ay dumaan sa ginagawang bahagi ng riles na naging sanhi para mahulog at mabangga ng tren na papasok sa tunnel kung saan tatlong bagon ang labis na napinsala.

Mahigpit naman ang Taiwan sa pagpapatupad ng quarantine sa mga kaanak ng mga nasawi na magtutungo sa Taiwan kung saan ay isasailalim muna sila quarantine.

Mahigpit rin ngayon ang Taiwan sa pagsasagawa ng mourning o pagluluksa para sa mga nasawing pasahero.

Ayon kay Gng. Tomines na dahil sa pangyayari ay nakakaramdam na siya ng takot na sumakay pa sa tren kapag kanyang day-off.