-- Advertisements --

CENTRAL CENTRAL- Lumikas ang mga sibilyan sa engkwentro ng militar at New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.

Ayon sa ulat ng 901st Brigade na nagpapatrolya ang mga tauhan ng 27th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Midsapakan Barangay Nabalico at Sitio Myarere Brgy Sumalili Arakan North Cotabato nang makasagupa nila ang mga rebelde.

Dahil sa tindi ng engkwentro ay nagsilikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.

Tumagal ng mahigit isang oras ang putukan sa magkabilang panig.

Agad namang tumulong ang dalawang MG-520 attak helicopters ng Philippine Air Force (PAF) at binomba ang kuta ng mga NPA.

Umatras ang mga rebelde patungo sa bulubundukin ng hangganan ng bayan ng Arakan at lalawigan ng Bukidnon.

Walang nasugatan sa mga sundalo habang kinomperma ng mga bakwit na apat ang napaulat na nasawi sa mga NPA at pito ang nasugatan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng militar laban sa mga NPA sa Arakan Cotabato.