KALIBO, Aklan — Apat na miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) ang sumuko sa mga awtoridad sa Libacao, Aklan.
Ito ay sa pamamagitan ng ‘Balik-Loob’ program na sinaksihan ni Libacao Mayor Charito Navarosa, 12th Infantry Battalion commander Lt. Col. Joseph Jason Estrada at 1st APMFC officer-in-charge Police Major Rogelio Tomagtang, Jr. kasama ang Libacao Civic Center.
Napagtanto umano ng mga dating kasapi ng Kilusang Rehiyong Panay-Central Front ni Francisco Balois alias “Ka Tonying” na sumuko na lamang dahil sa hirap ng kalagayan nila na palipat-lipat ng bundok sa pagitan ng Aklan at Capiz.
Maliban sa pagod at gutom, sinabi ng mga surrenderees na pawang mga teenagers na sa loob ng halos apat na buwan sa kilusan ay hindi rin umano natupad ang ipinangako sa kanilang sahod na P500 kada buwan.
Kahit walang isinukong armas, tiniyak ng AFP at PNP na tutulungan ang mga sumuko sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) at P5,000 bawat isa na tulong pinansiyal mula sa lokal na pamahalaan.
Nabatid na noong nakaraang buwan ng Enero, isa pang rebel returnee ang sumuko sa naturang bayan.