CAUAYAN CITY – Mahigit P4.3 million na halaga ng marijuana ang nasabat at nasamsam ng mga otoridad sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga.
Nagsasagawa ng checkpoint ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Kalinga, PDEA Isabela, Tinglayan Police Station, 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, Kalinga Police Drug Enforcement Unit at Regional Intelligence Unit at Police Regional Office Cordillera sa nasabing lugar nang mamataan nila ang isang Mitsubishi Adventure na nakaparada sa gilid ng national road.
Lulan dito ang tsuper na si Rich Vandamme Armoreda, 25, may asawa, shoe vendor, residente ng Brgy. 177, Caloocan City at Martin Serrano, 22, binata at residente ng Brgy. 171, Caloocan City.
Habang inaalam ng mga otoridad ang pagkakilanlan ng dalawa at ang layunin ng kanilang paglalakbay ay aksidenteng namataan ng isa sa mga otoridad ang bahay na nabalot ng transparent plastic.
Nang tanungin ang mga suspek kung ano ang nilalaman ng sako na nasa loob ng kanilang sasakyan ay sinubukan nilang tumakas ngunit nadakip sila ng mga otoridad.
Nakumpiska sa loob ng sasakyan ang apat na sako.
Ang apat na sako ay naglalaman ng 36 na piraso na nabalot ng transparent plastic na hinihinalang dahon at tangkay ng marijuana.
Humigit kumulang 30 kilo ng hinihinalang pinatuyong tangkay at dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P4.320 million at dalawang iphone.
Dinala na ang mga suspek sa Tinglayan Municpal Police Station at inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).