Aabot umano sa apat na milyong Pilipino ang posibleng mawawalan ng trabaho ngayong taon dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, katumbas ito ng 10 percent hanggang 15 percent ng workforce ng bansa at posibleng lalaki pa ang bilang.
Ayon kay Sec. Bello, umaasa na lamang sila sa pagbawi sa business process outsourcing (BPO) industry na babalanse sa mawawawalang trabaho.
Makakatulong din daw ang implementasyon ng “Build, Build, Build” program dahil sa pangangailangan ng maraming construction workers.
Kaugnay nito, isinusulong din umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang wage subsidy program para sa mga employers para mapigilan ang projected unemployment na apat na milyon.
Kakausapin daw nila ang mga employers na huwag magtanggal ng mga empleyado at sasagutin nila ang 25 percent hanggang 50 percent sa sahod ng kanilang manggagawa.
Ang panukalang programa ay mangangailangan ng P40 billion na budget.