VIGAN CITY – Apat na lugar sa Region 4A (CALABARZON) ang kumpirmadong apektado ng hindi pa tukoy na sakit ng mga alagang baboy.
Ito ang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar nang pinangunahan nito ang pamamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa mga farm machineries at iba pang proyekto ng ahensya sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Ilocos Sur kahapon sa bayan ng Sta. Maria.
Ayon kay Dar, ayaw nitong sabihin kung anong mga lugar sa nasabing rehiyon ang apektado ng hindi pa tukoy na swine disease upang hindi magtungo sa ground zero ang mga taong nais maki-usyoso at mga miyembro ng media upang maiwasang maging carrier sila ng virus.
Samantala, muli nitong sinabi na hindi pa nila nakukuha sa ibang bansa ang resulta ng pag-aaral sa mga sample na nakuha sa Rodriguez, Rizal kung saan may mga alagang-baboy na namatay matapos magkasakit.
Dahil dito, hindi pa nito masabi kung nakapasok na nga sa bansa ang African Swine Fever o hog cholera lamang ang nakaapekto sa mga namatay na alagang baboy.