CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng City Of Ilagan Police Station ang 4 katao na kinabibilangan ng dalawang estudyante sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa barangay Bagumbayan.
Ang mga inaresto ay isang 22 anyos na tricycle driver, 43 anyos na ginang; isang 18 anyos at 16 na kapwa estudyante, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, personal na nagtungo ang isang concerned citizen sa kanilang himpilan upang ipagbigay alam ang iligal na pagsusugal sa kanilang barangay.
Matapos na matanggap ang naturang impormasyon ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga pulis at naaktuhang nagsusugal ang mga pinaghihinalaan sa loob ng isang bahay sa nabanggit na lugar.
Nakumpiska ng mga otoridad ang isang set ng baraha, apat na monoblock na upuan, isang lamesa at mahigit dalawang daang pisong halaga ng pera.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong pinaghihinalaan para sa dukomentasyon.
Paglabag sa Presidential Decree 1602 (anti-illegal gambling law ) ang isinampang kaso laban sa mga suspek .