-- Advertisements --

Naglabas ng isang joint statement ang apat na dating Pangulo ng Senado ng Republika ng Pilipinas nitong gabi ng Biyernes, Hunyo 5, upang hilingin ang mabilis na pag-resolba sa kasalukuyang sigalot sa Mataas na Kapulungan.

Sa inilabas na “Statement of Former Senate Presidents on Senate Brouhaha” nina dating Senate Presidents Aquilino “Koko” Pimentel III, Franklin Drilon, Juan Miguel “Migz” Zubiri, at Vicente “Tito” Sotto III, binigyang-diin ng mga ito na moral na tungkulin nilang magsalita para sa proteksyon ng institusyong kanilang dating pinamunuan.

Anila, ang pangunahing obligasyon ng isang lider ng Senado ay hindi ang kumapit sa posisyon, kundi ang tiyaking nananatiling kagalang-galang, marangal, at nakatayo sa batas ang kapulungan kapag iniwan na ito.

Nanawagan din sila sa mga kasalukuyang mambabatas na ihinto ang mga bangayan na sumisira sa imahe ng Senado sa mata ng publiko. Iginiit nilang dapat limitahan ang mga debate sa loob ng plenaryo o sa angkop na forum lamang.

Binigyang-diin ng apat na dating Senate Presidents na mas nararapat pagtuunan ng pansin ang mga mabibigat na krisis na kinakaharap ng bansa, tulad ng ekonomiya, katarungan, at seguridad sa pagkain at enerhiya, sa halip na ubusin ang oras sa mga politikal na maniobra.

“We urge all members of the chamber to resolve this crisis swiftly, within the bounds of the Constitution, the rules, and long-standing practice. The country cannot afford an unstable Senate at a time of mounting economic pressures, security threats, and growing public distrust in institutions,” pahayag ng mga dating pinuno ng Senado.

Ang panawagang ito ay kasunod ng kontrobersyal na reorganisasyon sa Senado noong Hunyo 3, 2026. Sa naturang balasahan, idineklara ng bagong mayorya, ang tinaguriang Solid Bloc, na bakante ang lahat ng posisyon, at inihalal si Senador Sherwin “Win” Gatchalian bilang Acting Senate President.

Gayunpaman, mariin itong tinutulan ni Senador Alan Peter Cayetano, na naninindigang siya pa rin ang lehitimo at moral na pinuno ng Senado, sabay giit na isang “ilegal na kudeta” ang naganap. Dahil sa hidwaang ito, patuloy ang matinding kalituhan sa kapangyarihan sa mga komite at sa liderato ng kapulungan.