-- Advertisements --

Sinang-ayunan ni dating Senate President Franklin Drilon ang posisyon ng Gatchalian bloc sa paggamit ng 1949 Supreme Court ruling upang matukoy ang quorum sa Senado sa gitna ng umiiral na alitan sa liderato.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa Avelino v. Cuenco, ang quorum ay hindi batay sa kabuuang bilang ng 24 senador, kundi sa bilang ng mga senador na nasa hurisdiksyon ng Senado.

Paliwanag pa ni Drilon na ang prinsipyong ito ay ginamit na rin noong 2015 sa isang sesyon ng Senado na kanyang pinangunahan, kung saan hindi ito tinutulan nina Senador Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano noong panahong iyon.

Sa ilalim kasi ng interpretasyon ng Gatchalian bloc, hindi na isinasama sa bilang ng quorum ang mga senador na wala sa hurisdiksyon ng Senado, gaya ng mga nakakulong o ‘yung mga senador na hindi mahagilap. Dahil dito, ang mayorya ay ibinatay lamang sa mga natitirang senador na maaaring obligahin na dumalo sa sesyon.

Sinuportahan din ito ng mga law experts, na nagsabing ang mga senador na wala sa kustodiya ng Senado ay hindi kabilang sa bilang ng quorum.

Bilang halimbawa ng mga hindi kasama aniya ay sina Sen. Jinggoy Estrada na kasalukuyang nakakulong, at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi na muli nagpakita sa publiko.

Ang terminong “majority of all the members” ay ginagamit lang din daw sa eleksyon ng Senate President at hindi sa pagtukoy ng quorum sa sesyon.

Gayunpaman, mariing tinututulan ng kampo nina Senator Pia Cayetano at Loren Legarda ang ganitong interpretasyon at iginiit na ang quorum ay dapat pa ring ibatay sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado.