Sinabi ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules na nilagdaan na niya ang payroll checks ng mga empleyado ng Senado, sa kabila ng umiinit na isyu sa liderato sa Mataas na Kapulungan.
Sa isang post sa social media, sinabi ni Gatchalian na kinikilala na siya ng mga financial institution bilang awtorisado na lumagda para sa mga transaksyon ng Senado.
Tiniyak din niya na hindi maaapektuhan ang suweldo at benepisyo ng humigit-kumulang 2,000 empleyado sa kabila ng isyu sa liderato.
Matatandaang patuloy ang hindi pagkakaunawaan sa pamumuno ng Senado sa pagitan ng paksyon ni Gatchalian at ni Senator Alan Peter Cayetano.
Una nang iminungkahi ni Cayetano ang isang power-sharing arrangement upang mapanatili ang maayos na operasyon ng Senado, ngunit tinanggihan ito ni Gatchalian.
Sa kabila ng tensyon sa politika, giit ni Gatchalian na tuloy ang trabaho ng Senado at patuloy ang pagtupad nito sa obligasyon sa mga kawani nito.
“Sa kabila ng ingay sa pulitika, tuloy ang trabaho ng Senado sa ilalim ng ating pamumuno, kabilang ang pagtupad sa obligasyon nito sa mga empleyado,” ani Gatchalian sa isang post.















