Inilarawan ni dating Senate President Franklin Drilon si Senate President Alan Peter Cayetano bilang isang hari na walang kaharian matapos umanong mawalan ng sapat na bilang ng senador upang makontrol ang Senado.
Ayon kay Drilon, naging patas na sa bilang ang puwersa ng majority at minority bloc matapos madetine si Sen. Jinggoy Estrada at manatiling hindi nagpapakita sa publiko si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Dahil dito, ang dating mayorya na pinamumunuan ni Cayetano ay nabawasan sa 11 aktibong miyembro, kapantay ng bilang ng minority bloc na pinangungunahan ni Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Ayon kay Drilon, magiging mahirap para sa kasalukuyang liderato ng Senado na maisulong ang mga panukalang batas at resolusyon dahil wala itong sapat na boto upang makabuo ng mayorya.
Samantala, hinamon naman ni Cayetano ang minority bloc na bumuo ng hindi bababa sa 13 boto kung nais siyang patalsikin bilang Senate President.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa kanyang facebook live. Aniya handa siyang bumaba sa puwesto anumang oras kung mapapatunayan ng kanyang mga kritiko na mayroon silang sapat na suporta mula sa mga senador.
Iginiit din niya na nananatiling may 13 miyembro ang majority bloc, kahit na may mga senador na nakakulong o hindi pisikal na nakadadalo sa sesyon.
Sa gitna ng hidwaan, nagpahayag ng pag-aalala ang Malacañang sa posibleng epekto ng patuloy na bangayan sa Senado. Ayon sa Palasyo, maaaring maantala ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas at makaapekto ito sa ekonomiya kung magpapatuloy ang kasalukuyang deadlock sa kapulungan.














