-- Advertisements --

Maaari pa ring ituloy ng Senado ang nakatakdang adjourn sine die o pagtatapos ng sesyon sa Hunyo 5 kahit hindi mag-convene, ayon kay dating Senate President Franklin Drilon.

Ayon kay Drilon, kahit na hindi mag-convene ang Senado, mangyayari pa rin ang sine die adjournment “ipso facto” sa Biyernes alinsunod sa approved legislative calendar.

Subalit, ipinaliwang din ng dating lider ng Senado na maaaring kailanganin na i-adopt ang isang concurrent resolution kung mas maaga ang adjournment sine die mula sa itinakdang petsa sa legislative calendar.

Ang naturang resolution ang mag-ootorisa sa Senate President at House Speaker na mag-adjourn sine die sa mismo o bago ang specified date and time.

Iginiit naman ni Drilon na posibleng maging balakid sa pag-adopt ng naturang resolution kung walang quorum.

Sinabi rin ng dating Senate President na walang paglabag sa Senate rules ang majority bloc matapos na makansela ang pagsasagawa ng sesyon noong Lunes makaraang hindi sumipot ang 13 senador mula sa mayorya sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano kasunod ng tensiyon sa pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada may kaugnayan sa flood control scandal.