-- Advertisements --

Limang Filipino crew members ay kabilang sa mga napaulat na nasawi nang tumaob ang isang Chinese fishing vessel s Indian Ocean noong nakaraang linggo na kung saan wala umanong nakaligtas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay nagpapahayag ng taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng 39 na tripulante, na kung saan lima sa kanila ay mga Pilipino.

Kung matatandaan, ilang mga bansa, kabilang ang Australia, India, Sri Lanka, Indonesia, Maldives, at Pilipinas, ang nakiisa sa mga pagsisikap sa pagsagip para sa mga tripulante matapos tumaob ang barkong Chinese na “Lupeng Yuanyu 028”.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Rear Admiral Armand Balilo, nakikipag-ugnayan na sila sa DFA upang magpaabot ng tulong para sa naulilang pamilya ng mga biktima partikular na ang limang Filipino na nasawi sa insidente.

Dagdag dito, pinasalamatan ni Balilo ang mga search and rescue team ng Australia para sa kanilang pagsisikap na mahanap ang mga tripulante.

Una na rito, ang naturang fishing vessel ay pag-aari ng Penglai Jinglu Fishery Co Ltd, na hindi pa naman naglalabas ng pahayag sa naganap na insidente.