Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na matapos ang pagbaon ng telco cables sa buong Luzon bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa taong 2028.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mahalaga ang paglalagay ng mga kable sa ilalim ng lupa para hindi madaling masira tuwing may lindol, baha, o malalakas na hangin.
Sinabi ni Aguda na gumagawa sila ng plano kasama ang mga eksperto mula sa ibang bansa, kabilang ang pondo para maisagawa ang proyekto.
Unang gagawin ang proyekto sa Luzon, kung saan na-activate ang National Fiber Backbone. Inaasahang aabot ito sa Mindanao bago matapos ang 2026.
Matapos nito, tututukan ng DICT ang tinatawag na “middle mile” o ang mga kable na konektado sa backbone. Una itong ilalagay sa mga poste, at saka ibaon sa lupa.
Giit ni Aguda na mas matibay ang mga kable kapag nakabaon. Hindi ito basta nasisira kapag may sakuna.
Ang cable trenching o underground cabling ay ang pagbaon ng mga kable sa lupa sa pamamagitan ng paghukay at pagtatakip gamit ang lupa, aspalto, o semento.