Negatibo sa hantavirus ang lahat ng 38 Pilipinong crew member ng MV Hondius, na nakapagtala ng mga kaso ng viral disease, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ay matapos silang muling sumailalim sa pagsusuri at nakatakdang matapos ang kanilang quarantine sa Hunyo 18.
Kinumpirma rin ito ng Oceanwide Expeditions, kung saan ayon sa DMW, nananatiling asymptomatic ang lahat ng Pilipinong tripulante at tumatanggap ng wastong pangangalaga sa ilalim ng mahigpit na medical monitoring.
Tiniyak din aniya ng kompaniya na makakatanggap ang crew members ng buong kompensasyon habang at pagkatapos ng mandatoryong anim na linggong quarantine period at sila ay ire-repatriate sa oras na payagan na sila ng Dutch health authorities.
Nauna nang kinumpirma ng DMW na walang Filipino staff na sumailalim sa quarantine sa Netherlands ang nagpositibo sa virus, na kumitil na ng tatlong kataong sakay ng cargo ship.
















