-- Advertisements --

Ligtas na nailikas ang mga pasahero at crew ng isang cruise ship na tinamaan ng hantavirus outbreak.

Ayon sa mga opisyal, walang nagpapakita ng sintomas sa mga pasahero na inilikas mula sa barko.

Dinala sila sa Tenerife airport gamit ang mga military bus bago isakay sa mga eroplano ng kani-kanilang bansa.

Mahigpit na ipinatutupad ang no-contact policy sa mga pasahero upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Inirekomenda rin ng World Health Organization (WHO) ang 42-araw na quarantine para sa lahat ng sakay ng barko bilang pag-iingat.

Kabilang sa mga bansang nagpadala ng sasakyang panghihipawid para sa kanilang mamamayan ay ang Spain, France, United Kingdom, Canada, United States, Netherlands, Turkey, Ireland, Australia, at iba pa.

Batay sa ulat ng WHO, ilang dating pasahero na umalis na sa barko ang nagkasakit, at tatlo na rito ang nasawi. Pinaniniwalaang maaaring nakuha ang impeksyon bago pa man sumakay sa cruise ship, at kumalat ito habang nasa biyahe.

Samantala, tiniyak ng health authorities na mababa ang panganib ng virus sa publiko at patuloy din ang masusing pagsusuri at monitoring sa mga naapektuhan.

Pagkatapos ng evacuation, ang barko ay lilinisin at ide-disinfect sa Netherlands, habang ang ilang crew members lamang ang mananatili para sa operasyon nito.