-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sinariwa ng vice president at chief operating officer ng Bombo Radyo Philippines na si Herman Z. Basbaño ang paghatid ng marathon coverage sa mga kaganapan sa EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Basbaño na siya ring presidente ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, sinabi nito na sa kabila nang ibinabang utos noon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa pagpapatigil ng operasyon ng lahat ng tri-media, nanindigan si Dr. Rogelio Florete, chairman ng Florete Group of Companies, na ipagpatuloy ang pagbabalita ng Bombo Radyo Philippines.

Ayon kay Bombo Herman, sa loob ng 72 oras ay walang tigil ang paghahatid ng Bombo Radyo Philippines ng pinakabagong kaganapan sa makasaysayang pangyayari sa kabila ng presensya ng militar na ipinadala ni Marcos sa flagship station ng Bombo Radyo Philippines sa Mapa Street, Iloilo City.

Ipinag-utos kasi ng noo’y pangulo ang agarang pagpapatigil ng pagbabalita.

Dagdag pa ni Bombo Herman, hindi nakaramdam ng takot ang mga anchormen at reporters ng Bombo Radyo Philippines sa panahon ng rebolusyon, maihatid lamang ang pinakahuling balita sa publiko.

Napag-alaman na sa labas ng Metro Manila, ang Bombo Radyo Philippines lamang ang solong istasyon na naghatid ng balita kaugnay sa EDSA People Power Revolution.