CAUAYAN CITY- Umabot sa 327 paaralan ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Amir Aquino, information officer ng DepEd Region 2 na sa walong Schools Division Office sa lambak ng Cagayan ay 327 ang apektado habang nasa 2,856 naman na teaching at non-teaching personnel ang naapektuhan.
Umaabot na rin sa P91 million ang halaga ng pinsala sa mga paaralan at maari pang madagdagan dahil nagpapatuloy pa rin ang assessment.
Dahil dito, inaalam na nila ang mga kailangang pagtuunan ng pansin para sa Education support recovery and relief assistance ng DepEd.
Ayon pa sa kanya, upang maipagpatuloy ng mga estudyanteng naapektuhan ng pagbaha ang kanilang pag-aaral ay papalitan ng kagawaran ang mga nabasa at nasira nilang module habang palalawakin naman ang paggamit ng iba pang modalities tulad ng online, radio based instruction at tv based instruction.