CAPAS, Tarlac -Tulad ng pagtitiyak ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), engrande rin ang naging closing ceremony ng South East Asian (SEA) Games 2019 ngayong gabi.
Sa simula pa lamang ng programa sa Athletics Stadium sa New Clark City, hiyawan na ang napakaraming audience sa 20,000-capacity facility.
Nanguna sa pag-awit ng Philippine national anthem ang Pinoy frontman ng American rock band na Journey na si Arnel Pineda.
Sinundan ito ng parada muli ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa gaya sa opening ceremony noong November 30.
Matapos naman ang music video ni Sarah Geronimo ng “Who We Are” kung saan tampok ang mga atleta at volunteers, nagsimula na ang tila mini concert ni Pineda at ng K.O. Jones band!
Dito ay game na naki-jamming ang audience sa humigit-kumulang 10 inawit ng Journey frontman.
Ilan sa mga inawit ng 52-anyos na si Pineda ay ang “Sweet Child of Mine,” “We Will Rock You,” at “We Are The Champions.”
Napa-wow din ang mga nagsipagpanood sa 45-minute drone show.
Samantala, narito ang apat na special awards na pinangunahan ni PHISGOC Chairman Alan Peter Cayetano:
Best male athlete- Zheng Wen ng Singapore (6 gold medal)
Best female athlete- Nguyen Thi Anh Vien ng Vietnam (6 gold)
Fair Play Atlhete- Pinoy “hero surfer” Roger Casugay
Overall championship award- Philippines
Kaugnay nito, si Executive Secretary Salvador Medialdea ang naging kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdeklara ng pagtatapos ng dalawang linggong SEA Games.
Humakot ang Pilipinas ng record-breaking na 149 gold medals mula sa kabuuang 386 medals.
Pormal na ring ipinasa sa Vietnam ang SEA Games flag bilang susunod na host country ng parehong malaking sporting event sa 2021. Sinundan ito ng kanilang “patikim” sa pamamagitan ng performance para maipakilala ang kultura ng kanilang bansa.
Nagkataon na ang Vietnam ang pumangalawa sa Pilipinas matapos nakasungkit ng 98 gold medals mula sa kabuuang 288 medals.
Nagkaroon pa ng “part two” mini concert sa pamamagitan naman ng American hiphop group na Black Eyed Peas sa pangunguna ng half Pinoy na si Apl.de.ap.
Hindi rin nawala ang makulay na fireworks display.