-- Advertisements --


Pansamantalang papayagan ng pamahalaan ang mga partially vaccinated at mga hindi pa bakunadong manggagawa na makasakay sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region.

Base na rin ito sa inilabas na joint statement ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Transportation (DOTr), at ng Department of Interior and Local Government (DILG), matapos na umani nang batikos ang ipinatupad na “No Vaccine, No Ride” policy kamakailan.

Sinabi ng naturang mga kagawaran na ang pagpayag nila sa mga partially vaccinated at hindi pa bakunadong manggagawa na makasakay sa mga pampublikong sasakayan ay epektibo lamang sa loob ng 30 araw simula ngayong araw, Enero 26.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Administrative Service Artemio Tuazon Jr., layon ng desisyon nilang ito na maprotektahan pa rin ang mga unvaccinated at partially vaccinated workers laban sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) at sa posibilidad na tamaan ng mas malalang infection.

Sa loob ng 30-day window, sinabi ni Tuazon na dapat makompleto na rin ng mga partially vaccinated ang serye ng kanilang bakuna kontra COVID-19 dahil pagkatapos ng period na ito ay mahigpit nang ipapatupad ang “No Vaccine, No Ride” policy.

Gayunman, iginiit ng opisyal na ang desisyon nilang ito ay hindi discriminatory sapagkat sa mga pampublikong sasakyan lamang naman ipinagbabawal ang mga hindi pa bakunado at maari pa rin naman sumakay ang mga ito sa iba tulad ng active transport, private vehicles, o company shuttle services.