(Update) Nakapagtala na ng tatlong indibidwal na sugatan matapos aksidenteng pumutok ang bitbit na baril ng isang pasahero sa airport ng Atlanta na siyang kabisera ng estado ng Georgia.
Ang insidente ay naging dahilan ng pansamantalang pagsuspinde sa ilang flights sa nasabing airport sa Amerika at pag-panic din ng mga pasahero.
Sa pahayag ng Transportation Security Administration (TSA) hinggil sa tatlong sugatang indibidwal, wala naman dito ang nagtamo ng malubhang injuries.
“Early reports indicate three people sustained non-life-threatening injuries,” saad ng TSA.
Nangyari ang gun discharge bandang alas-1:30 ng hapon habang nagsasagawa ng screening point ang isang empleyado dahil sa nakitang prohibited item na tinukoy sa X-Ray machine.
“He advised the passenger not to touch the property, and as he opened the compartment containing the prohibited item, the passenger lunged into the bag and grabbed a firearm, at which point it discharged,” dagdag ng TSA.
Ayon sa airport spokesperson na si Andrew Gobeil, umalis ng airport ang gun owner kahit hindi siya pinagayan kaya ngayon ay tinutugis na ng pulisya.
“Because he was in the process of being screened, we have all his information,” pahayag ni Gobeil.
Sa datos ng TSA, nasa 450 firearms ang na-detect ng mga otoridad sa Atlanta airport nitong 2021.
Ayon sa mga pulis, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.