KALIBO, Aklan—Nasawi ang tatlong katao habang apat na iba pa ang sugatan sa nangyaring salpukan ng tricycle at oil tanker sa Barangay Ochando sa bayan ng New Washington, Aklan.
Ayon kay P/Major Mark Daryll Villanueva, OIC chief of police ng New Washington Municipal Police Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na tinatahak ng dalawang behikulo ang magkaibang direksyon nang bigla na lamang araruhin ng oil tanker ang tricycle.
Sa lakas ng impact ay nasira ang unahang bahagi ng tricycle at naipit ang pasahero sa loob habang ang iba naman ay tumilapon sa kalsada.
Dead on arrival sa pagamutan si Donny Peralta, 50-anyos, residente ng Barangay Dumaguit, New Washington gayundin si Dr. Beonify Opinion 58-anyos, residente naman ng bayan ng Batan, Aklan at guro sa Aklan State University (ASU) New Washington campus.
Binawian rin ng buhay habang ginagamot sa isang pribadong hospital si Wilson Algarne, 23 anyos, driver ng tricycle at residente din ng Barangay Dumaguit matapos na magtamo ng fatal na injury sa ulo.
Habang ang iba pang pasahero ay kinilalang sina Rowen Flaviano, 21-anyos ng Batan, Aklan; Paulo Dominguez, 20-anyos ng New Washington at Jomar Cervantes, 47-anyos kung saan, dalawa sa kanila ay nasa kritikal pang kondisyon.
Dagdag pa ni P/Major Villanueva, inamin aniya ng driver ng oil tanker na si Ramil Fernandez, 37-anyos, residente ng Mingllanila, Cebu na nakaidlip ito habang mag-isang nagmamaneho ng sasakyan kung saan, kasalukuyan siyang nakakulong sa tanggapan ng pulisya at mahaharap sa mga kaukulang kaso.
Ang nasabing insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng New Washington PNP Station.