CAUAYAN CITY – Tatlo ang patay habang isa ang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Nueva Era, Cabatuan, Isabela.

Namatay ang driver ng Rusi single motorcycle na si Adonis Balagat, 40-anyos na construction worker at residente ng San Manuel, San Mateo, Isabela.

Nasawi rin ang tsuper ng Honda TMX na si Elias Celeste, 23-anyos na magsasaka, binata at residente Andabuen, Benito, Soliven, Isabela; at angkas na si Marvie de Menia, 9.

Nasugatan naman ang isa pang angkas ni Celeste na si Rose de Menia, 18, na nagtamo rin ng mga malubhang sugat sa katawan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni M/Sgt. Armando Felipe, imbestigador ng Cabatuan Police Station, binabagtas ni Balagat ang daan sa nasabing barangay patungong direksyon ng San Mateo nang bigla siyang lumipat ng linya na nagresulta upang masalpok nito ang paparating na motorsiklo sinasakyan ng tatlong biktima.

Dinala sila sa ospital subalit idineklarang dead on arrival sina Adonis Balagat, Elias Celeste at Marvie De Menia, ng kanilang attending physician.

Habang inilipat sa isang pribadong ospital sa Cauayan City ang malubhang nasugatan na si Rose De Menia.

Sinasabing nakainom ng alak si Balagat na galing sa trabaho at mabilis ang pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang aksidente.