Inirekominda ng isang kongresista na sumailalim sa lifestyle check ang tatlong nominadong opisyal bilang susunod na Philippine National Police (PNP) chief.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni ACT-CIS party list Rep. Eric Go Yap na dapat maipakita sa publiko ng mga nominado na malinis ang kanilang record sakaling mapili ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mahalaga aniyang masilip ang records ng tatlong nominado na sina Lt. Gen. Camilo Cascolan, Lt. Gen. Archie Gamboa, at Maj. Gen. Guillermo Eleazar mula nang magsimula ang mga ito sa kanilang trabaho bilang pulis.

Maging ang mga kaso na kanilang kinasangkutan ay dapat na masilip din ayon kay Yap.

Ito ay paraan para maiwasan na rin aniya na mangyari ulit ang sinapit ni Albayalde na pababa na sa puwesto subalit naungkat pa ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan nito kabilang na ang issue sa “ninja cops.”