Iniimbestigahan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong kawani nito matapos mahuli ang apat na Chinese nationals na umano’y nagtangkaang umiwas sa immigration inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Lunes.
Kinilala ang mga banyaga na sina Zhang Zhaoya, Wang Linmei, Qi Xiangyang, at Chen Wenda. Napag-alamang matagal nang overstaying sa bansa sina Zhang (mula Hulyo 2024), Wang at Qi (mula Setyembre 2024). Si Chen naman ay may working visa ngunit kulang sa kinakailangang Emigration Clearance Certificate (ECC).
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Viado, pananagutin nila ang sinumang empleyado ng ahensya na napatunayang tumulong sa paglabag sa immigration procedures.
Samantala ang apat na banyaga ay isinailalim na sa inquest proceedings ng legal division ng BI para sa posibleng pagsasampa ng kaso.