CAUAYAN CITY- Sumuko ang tatlong kasapi ng New People’s Army (NPA) na sapilitang sumapi makaraang hikayatin sila ng rebeldeng pangkat.
Dala ng mga rebelde ang kanilang mga armas nang sumuko sa mga kasapi ng 95th Infantry Battalion, 86th Infantry Battalion, philippine army at sa kapulisan sa lalawigan ng Isabela.
Ang mga sumuko ay ang mag-amang sina Alyas Paul at Alyas Digma.
Sa paglalahad ni Alyas Digma o Jin, Medical Officer ng Rehiyon Sentro De Grabidad Komiteng Larangan Guerilla Rehiyon Cagayan Valley o (RSDG-KRCV) na labing pitung taong gulang pa lamang siya nang puwersahin silang sumapi sa rebelde.
Ayon pa sa mag-ama mas daig pa nila ang isang bilanggo dahil sa sobrang hirap ng kanilang naranasan sa kamay ng mga kumander ng RSDG-KRCV.
Tinuruan din sila ng mga rebelde na magsinungaling patungkol sa kanilang tunay na edad para hindi sila matawag na batang mandirigma.
Dala ng sumukong NPA isang kalibre 45 na baril na ibinigay sa kanila ng makakaliwang grupo.
Ayon naman kay alyas Chris, dating Supply Officer ng RSDG-KRCV, sapilitan din siyang isinama ng rebeldeng grupo upang gabayan sila mula Diwagao Complex patungong San Guillermo.
Subalit, pagkarating sa naturang lugar, binigyan na siya ng baril at pinagbuhat ng bomba hanggang sa isinasama na siya sa mga operasyon ng rebeldeng grupo.
Isinuko ni alyas Chris ang isang M-16 rifle na ibinigay rin sa kanya ng mga rebelde.
Kasalukuyan nang ipinoproseso ang mga kailangangang dokumento upang makatanggap sila ng tulong mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan na ipinagkakaloob sa mga nagbabalik-loob ng mga rebelde.