Reading Time: 1 minute

ROXAS CITY – Arestado ang tatlong drug suspek sa ikinasang drug buybust operation ng Station Drug Enforcement Team ng Roxas City Police Station sa Roxas Avenue, Roxas City.

Kinilala ang mga naaresto na sina Jetjet Alberto, 21 taong gulang ng Barangay 8; John Mark Distor, 25 taong gulang ng Barangay 9; at Cristel Ann Alcazaren, 23 taong gulang ng Barangay Mongpong, nitong lungsod.

Nabatid na nakuha sa mga suspek ang walong sachets ng shabu na pinaniniwalaang nagkakahalaga ng P65, 000, cellphone, pouch at P500 na marked money.

Ayon sa mga otoridad, matagal na isinailalim sa monitoring ang subject na si Alberto bago ikinasa ang operasyon kung saan naaresto rin sina Distor at Alcazaren na una umano nitong naka-transakisyon.

Nagpumiglas pa si Alberto sa mga otoridad at nagtangka pa itong manaksak na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang pulis.

Idinagdag pa ni Police Master Sergeant Ramil Arcangeles, tagapagsalita ng Roxas City PNP, na hinuli rin ng mga kapulisan ang tiyuhin ni Alberto na si Jojo Alberto dahil sa ginawa umano nitong ‘obstruction’ sa kanilang operasyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.