-- Advertisements --

NTF3

Tatlo pang barko ng Chinese maritime militia ang itinaboy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal.

Sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), namataan sa lugar ang tatlong barko ng Chinese at hinamon ng BFAR noong Mayo 7 at 8.

Dahil sa mababaw na tubig sa shoal, gumamit ng mga rubber boat ang BFAR upang i-escort ang mga barko ng China palabas ng lugar.

Ito na ang pangatlong pagkakataon na itinaboy ng mga otoridad ang mga barko ng China mula sa Sabina Shoal na may 130 milya ang layo sa kanluran ng Palawan, na sakop ng 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Magugunitang itinaboy din mula sa naturang lugar ng Philippine Coast Guard at BFAR ang pitong barko ng CMM noong Abril 27 at limang barko ng CMM noong Abril 29.

NTF

Tiniyak naman ng NTF-WPS na magpapatuloy ang maritime patrols ng Phil. Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa WPS upang itaguyod ang soberanya ng Pilipinas at karapatan ng bansa sa EEZ.

Samantala, nilinaw ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), na bahagi ng teritoryo ng bansa ang Julian Felipe Reef.

Ayon kay National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon, Jr., na siyang chairperson ng NTF-WPS ang Julian Felipe Reef ay nasa loob ng 12 nautical mile limit mula sa McKennan (Chigua) Reef at Grierson (Sin Cowe East) Reef na kapwa bahagi ng munisipyo ng Kalayaan.

NTF1

Nasa 175 nautical miles din ang Julian Felipe Reef mula sa Bataraza, Palawan, na sakop ng 200 mile Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea.

Magugunitang naging mainit ang usapin ito sa West Philippine Sea matapos na mamataan ang mahigit 200 barko ng Chinese maritime militia sa Julian Felipe Reef noong Marso.

Sa huling maritime patrol ng NTF-WPS, nitong nakalipas na Mayo 9, nasa 34 na barko ng CMM ang namataan sa Julian Felipe Reef na bahagi ng kabuuang 287 na CMM na nakitang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng karagatan ng munisipyo ng Kalayaan sa loob at labas ng EEZ ng bansa.