Nasa 29 na mga nasawing sundalo sa C-130 plane crash ang natukoy na matapos makilala ang siyam na iba pa.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) spokesperson Lt Col.. Maynard Mariano, nasa 29 na mula sa 49 na nasawi ang na-identify.
Habang ang natitirang 20 sundalong namatay ay patuloy na sumasailalim sa pagsusuri at pagtukoy.
Sa ngayon, inaayos na ang mga bangkay ng siyam na sundalo para iuwi sa kani-kanilang pamilya.
Inihayag ni Mariano na binigyan din ng financial assistance ang pamilya ng tatlong sibilyan na nasawi sa aksidente noong nakaraang Linggo, July 4.
Sa kabila naman ng pag-ground ng iba pang C-130 aircraft, siniguro ng PAF spokesperson na may sapat pa silang air assets para ipagpatuloy ang kanilang serbisyo.
Ito aniya ay ang kanilang mga C-295 at NC-212i aircraft.
Tiniyak nito na nagpapatuloy ang kanilang pag-transport ng mga bakuna at ibang medical items sa mga malalayong lugar sa bansa sa kabila ng sunud-sunod na pagbagsak ng mga air assets ng PAF.
Nananatili rin daw mataas ang kanilang morale dahil kailangan nilang ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa publiko.
Samantala, naipadala na sa Estados Unidos ang flight recordings o black box ng bumagsak na C-130.
Gayunman, posibleng aabot ng isang buwan ang pag-analisa sa flight data recorder kaya masyado pang maaga para sabihin ang pinal na sanhi ng pagbagsak ng C-130 aircraft.
Lahat kasi ng posibleng anggulo ay tinitingnan ng mga imbestigador.
Nabatid na 100 percent na ang pagrekober sa mga bahagi ng bumagsak na aircraft at ilan sa mga ito ay dinala na sa Mactan Air Base para sa gagawing “repair and reconstruction.”