-- Advertisements --

Pumalo na sa 21 ang naitalang nasawi sa Negros Oriental sa loob lamang ng 10 araw.

Ito’y matapos ilabas ng Negros Oriental Police Provincial Office ang kabuuang bilang ng mga napatay sa pamamaril sa lalawigan.

Ayon sa ulat ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Negros Oriental Police, 21 na ang nasawi sa pamamaril mula July 18 hanggang July 28 lamang.

Pinakamarami na may nasawi sa bayan ng Ayungon na umabot sa pito na kinabibilangan ng apat na pulis at tatlong sibilyan.

Apat naman ang pinatay sa bayan ng Guihulngan kabilang ang dalawang opisyal ng Department of Education (DepEd).

Tatlo ang pinatay sa Canlaon kabilang ang isang konsehal at isang dating mayor.
Tig-dalawa naman ang patay sa bayan ng Sta. Catalina, Siaton at Zamboanguita.

Habang isa ang napatay sa Dumaguete City.

Dahil sa serye ng patayan sinibak sa pwesto ni PNP chief General Oscar Albayalde ang dating PNP provincial director ng Negros Oriental na si Col. Raul Tacaca dahil sa hindi maresolbang kaso ng patayan.

Samantala, nakahanda naman ang 3rd Infantry Division ng Philippine Army sa pangunguna ni Major General Dinoh Dolina na ipatupad ang martial law sa Negros Oriental.

Ito’y kung tuluyan itong idedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna na rin ng serye ng mga patayan sa lugar.

Ayon kay Dolina, political decision ang martial law at bilang tagapagbantay ng seguridad ay handa silang sumunod sa utos ng nakatataas kung sa tingin nila na ito ang mas angkop para sa sitwasyon.

Samantala, inamin naman ng opisyal na mayroon talagang problema sa pamamayagpag ng New People’s Army sa Negros Oriental na dapat nang matuldukan dahil sila itinuturong nasa likod ng mga patayan.