Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na tuloy-tuloy ang pagsasanay ng CPP-NPA ng mga Child Warriors na malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.
Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Debold Sinas matapos na maligtas ng PNP, AFP at DSWD ang 21 menor de edad na sumasailalim sa “revolutionary training” sa University of San Carlos Retreat House Talamaban Campus sa Talamban, Cebu City kaninang umaga.
Ayon kay Sinas ang mga kabataan ay nanggaling sa NPA-front Salugpungan School sa Talaingod, Davao del Norte na isinara ng DepEd noong 2019, at dinala sa Cebu ng walang paalam sa mga magulang ng mga ito.
Inilunsad ang rescue operation matapos na humingi ng tulong ang mga magulang ng mga bata sa mga awtoridad para mahanap ang kanilang mga anak na dalawang taon nang nawawala.
Inamin ng ilan sa mga kabataan na katangangap sila ng pagsasanay militar sa ilalim ng kanilang mga “handlers”.
Naaresto naman sa operasyon ang anim na indibidual na nagtuturo sa mga bata.
Nahaharap ang mga ito sa kasong illegal detention, human trafficking, at paglabag sa RA 9851 (IHL Act) at RA 11188 (Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict).