Sinimulan na ng Kamara ang pagtalakay sa 2021 proposed P4.5-trillion National Expenditure Program (NEP).
Unang sumalang sa deliberasyon ang mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na sina Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez, acting Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno.
Hindi katulad sa mga naunang budget hearings ng Kamara, 50 lamang ang pinayagang maging “physically present” sa budget hearing kasama na ang mga kinatawan ng bawat ahensya.
Ang ibang mga kongresista at mga resource speakers ay sasali sa hearing sa pamamagitan ng video teleconferencing.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, target ng Kamara na tapusin ang budget hearings bago matapos ang buwan ng Setyembre upang sa gayon ay ma-transmit kaagad ang panukalang pambansang pondo sa Senado.
Bagama’t nais nilang tapusin sa lalong madaling panahon ang budget deliberations, tiniyak ni Cayetano na hindi naman masasakripisyo ang kalidad nito.
Kanila ring titiyakin na tanging mga karapatdapat na mga proyekto at programa lamang ang mabibigyan ng alokasyon para sa susunod na taon.
Kaugnay nito ay inaanyayahan ni Cayetano ang publiko na makibahagi sa budget hearing sa pamamagitan ng paggamit ng social media kung bilang paraan na maipabot sa mga kongresista ang kanilang iba’t ibang concerns.
Tinitiyak ng hakbang na ito ang mahalagang papel ng taumbayan sa transparency at accountability ng kanilang mga kinatawan.