KALIBO – Tinatayang nasa 20 pamilya ang nagpalipas ng gabi sa Balabag covered court sa isla ng Boracay kasunod sa nangyaring sunog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo kay Rear Admiral Leonard Tirol, PCGA executive squadron ng Boracay Fire Rescue & Ambulance Volunteers (BFRAV), naapula ang apoy makalipas ang halos kalahating oras na fire fighting operation ng pinagsanib pwersa ng mga bombero sa isla ng Boracay.
Sa initial assessment dalawang boarding houses, isang restaurant at isang hotel ang nilamon ng apoy kung saan, ang isa sa mga ito ay totally burned.
Agad namang nailikas ang mga turistang pansamantalang tumutuloy sa hotel.
Dagdag pa ni Tirol, nagsitakbuhan na ang mga residente at iba pang turista dala ang kanilang mga bagahe nang mapansin na nilalamon ng malaking apoy ang dalawang palapag na bahay kung saan nadamay pati ang katabing gusali.
May kalakasan aniya ang hangin kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy.
Samantala, kinilala naman ang mga nasugatan na sina Angelica Torres, 24; Federico Visca, 74; at Jil Ann Manuel, 28.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection Boracay ang nasabing insidente.