-- Advertisements --

Nakapag-order na ang Pilipinas ng 20 milyong doses ng coronavirus vaccines mula Russia.

Kasabay ito ng pagtitiyak ng dalawang bansa nang pagtutulungan para labanan ang coronavirus disease.

cropped duterte putin 1

Sa pamamagitan ng isang phone call ay tinalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at Russian President Vladimir Putin ang mga hakbang na maaaring gawin ng magkabilang panig upang paigtingin pa ang mga ginagawa nito upang tuldukan ang COVID-19.

Kapwa nagkasundo ang parehong lider na magtulungan para damihan pa ang supplies at produksyon ng bakuna nang sa gayon ay matugunan ang pangangailangan ng populasyon.

Kasama rin sa napag-usapan ng mga ito ang defense cooperation, energy, trade at investments.

Ayon sa Palasyo. naging “open at productive” umano ang naging pag-uusap nina Duterte at Putin.

Sa isang pahayag mula Malacañang, kinumpirma nito na nag-order ang bansa ng 20 milyong doses ng Sputnik V vaccines ng Russia. Binigyang-diin din daw nina Duterte at Purin ang kahalagahan nang pagpaparami sa global production at supplies ng bakuna.

Dagdag pa nito na nagpasalamat umano ang Pangulo kay Putin dahil sa commitment ng Russia para paigtingin pa ang kooperasyon nito ukol sa iba pang paksa.

Napag-usapan din aniya ang global at regional vaccine landscapes dahil mahalaga raw na makarating sa mas marami pang bansa ang bakuna na gawa ng Russia.

Kinilala rin ng mga ito ang “steady progress” sa defense at security cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.

Una nang sinabi ni Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., na inaasahang isasapinal ng pamahalaan ang supply deal ng 20 milyong doses ng bakuna kasama ang Gamaleya National Center ng Russia.

Inaasahan kasi na dadating sa bansa ngayong buwan ang initial 500,000 doses ng bakuna mula Russia at susundan naman ito ng dalawang milyong doses ng bakuna sa Mayo. May dagdag pang apat na milyong bakuna mula Gamaleya ang hihintayin naman sa Hunyo habang apat na milyon doses ulit ng bakuna sa Hulyo.