LEGAZPI CITY – Lumabas na ang resulta ng isinagawang “genomic sequencing” sa 11 crew members na positibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) na sakay ng tug boat na MV Clyde at Barge Claudia na kasalukuyang nakaangkla sa karagatang bahagi ng Albay.
Batay sa impormasyon mula sa Department of Health (DOH)-Bicol Center for Health Development, dalawa sa 11 tripulante ay positibo sa Delta variant.
Una nang naiulat na 11 sa 19 crew members ng tug boat ay COVID-19 positive kung saan lahat ay kinunan ng swab test sa Caraga Region.
Kaugnay nito, sa 11 crew na COVID-19 positive, limang samples dito ang ipinadala sa Philippine Genome Center kung saan dalawa ang lumabas na positibo sa mas nakakahawang sakit.
Sa naturang dalawang Delta variant cases, isa ay mula sa Albay habang ang isa naman ay mula sa Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon.
Kung maaalala, dumating sa municipal waters ng Sto. Domingo, Albay ang tug boat nitong Hulyo 20 mula sa Butuan City na napag-alamang positibo pala sa virus ang mga sakay na tripulante habang nasa kalagitnaan na ng karagatan.
Samantala, lahat ng crew member ay asymptomatic o walang sintomas batay sa impormasyon na ipinaabot ng Bureau of Quarantine sa DOH-Bicol na siyang namamahala sa pagmonitor sa health conditions ng mga tripulanteng positibo sa COVID-19.
















