CAUAYAN CITY- Isinailalim sa limang araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Purok 4 at Purok 5 ng barangay Manaring, Ilagan City makaraang magpositibo sa COVID- 19 ang isang locally stranded individual sa nabanggit na barangay .
Nauna rito ay muling nagtala ng panibagong COVID-19 positive patient ang Lungsod ng Ilagan na si CV141 na isang 29 anyos na babae na naglakbay sa Caloocan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Inter-Agency Task Force Focal Person Ricky Laggui, sinabi niya na napagpasyahan ng pamahalaang Lunsod na isailalim sa ECQ ang nabanggit na dalawang purok para sa pagsasagawa ng contact tracing sa mga direktang nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Sinabi pa ni G. Laggui na isasailalim sa ECQ ang dalawang purok sa Barangay Manaring sa loob ng limang araw o hanggang July 15, 2020.
Inihayag pa ni G. Laggui na nagkaroon na ng distribusyon ng mga ayuda sa mga apektadong residente ng ECQ na mula sa lokal na pamahalaan.
Pinag-aaralan na rin ng pamahalaang Lunsod ang pagsasampa ng kaso laban sa bagong COVID-19 positive patient dahil sa paglabag sa health protocols.
Natukoy na rin nila kung saan galing ang pribadong sasakyang ginamit ng pasyente at iba pa nitong kasamahan pabalik dito sa Isabela.