-- Advertisements --

Sinibak na sa serbisyo ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang dalawang pulis dahil pagpatay sa kanilang kabaro sa Quezon City.

Ayon kay Eleazar, pinirmahan na niya ang dismissal order laban kina Police Corporal Sherwin Rebot at Police Corporal Harold Mendoza na siyang itinuturong nasa likod ng pagkamatay ng kasamahang si Police Corporal Higinio Wayan ng PSPG.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang tatlong pulis nang kunin umano ni Wayan ang baril ni Rebot at binaril ang sarili.

Natutulog umano si Mendoza nang mangyari ang insidente habang nasa palikuran umano si Rebot.

Pero kalaunan ay lumabas na hindi nagpaputok ng baril si Wayan matapos aminin ng isang sibilyan na suspek na pinatay umano ni Rebot si Wayan matapos matalo sa bunong braso.

Sinampahan si Rebot ng kasong murder at illegal possession of firearms and ammunition habang si Mendoza ay nahaharap sa kasong murder by conspiracy at obstruction of justice gayundin ng kasong kriminal.

Maliban sa kanilang kasong administratibo ay nahaharap din sila ng kasong kriminal sa Korte.