CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang truck driver at backrider ng motorsiklo ng madugo na salpukan sa makurbada na bahagi ng Purok 5, Zigzag Road,Barangay Palacapao,Quezon,Bukidnon.
Kinilala ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson Maj Jiselle Longgakit ang truck driver na si Rolando Pugoy,37 anyos,may asawa at residente sa Barangay Libertad ng Bukidnon at Maribeth Salas,35,may asawa na nagmula naman sa Buda,Marilog District, Davao City.
Sinabi ni Longgakit na nakaranas umano ng depekto ang trak na minaneho ni Pugoy na kargado ng tiles nang mahagip nito ang motorsiklo na sinakyan ni Domingo Salas at nakaangkas ang kanyang maybahay.
Kapwa nahulog sa bangin ang dalawang sasakyan dahilan sa pagkasawi ni Pugoy at Maribeth mismo sa pangyarihan ng aksidente.
Dinala naman sa magkaibang pagamutan ang asawa ni Maribeth at truck helper ni Pugoy na si Raymond Pugoy dahil sa malubhang mga sugat.
Sa ngayon,iniimbestigahan ni Quezon Police Station commander Maj Carlito Chua Jr ang malagim na pangyayari.