CENTRAL MINDANAO- Patay ang dalawang motorista nang bumangga ang sinakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na trak sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Lito Salle,39 anyos,may asawa at ang backrider nito na si Alfredo Sangcap,mga residente ng Brgy New Pandan Matalam North Cotabato.
Ayon kay Mlang Chief of Police, Lieutenant Colonel Giovani Ladeo na lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo sa Sitio Galpra Barangay Lika Mlang North Cotabato Cotabato ng bigla itong mag-overtake sa isang sasakyan ngunit bumangga ito sa kasalubong na Izusu Forward Elf Truck.
Naipit ang mga biktima sa ilalim ng trak at nagtamo ng matinding sugat,pasa at bali sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.
Mabilis na dinala ng mga nagrespondeng pulis at rescue volunteers ang mga sugatan sa Mlang district hospital ngunit hindi na sila umabot ng buhay.
Agad namang sumuko ang driver ng trak na si Marlon Suarez na residente ng Bukal Quezon Province.
Sinabi ni Suarez na matulin umano ang takbo ng motorsiklo na sinakyan ng mga biktima na bumangga sa kanyang minamanehong Elf truck.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Mlang PNP sa madugong vehicular accident.
















