Maaari nang mabili ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) ngayong linggo mula sa mga lokal na merkado.
Kinumpirma ito ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kasunod ng ilang serye ng trial at laboratory test, sa loob ng ilang taon.
Ayon sa kalihim, maaari nang bumili ng ASF vaccine ang mga hog raiser basta’t dumating na ang supply mula sa supplier.
Umaasa ang ahensiya na sa pamamagitan nito ay mapoprotektahan ang mga alagang baboy laban sa mapaminsala at nakamamatay na sakit na naging dahilan ng pagkamatay ng milyon-milyong mga baboy sa Pilipinas.
Ayon pa kay Sec. Laurel, makakatulong ito para ma-stabilize ang farmgate price ng baboy sa lokal na merkado.
Paliwanag pa ng kalihim, muling lumalabas ang ASF tuwing umuulan dahil maaaring manatili ang virus sa lupa at groundwater kahit natabunan na o naibaon na ang mga namatay na baboy.
Aminado ang ahensiya na marami pa ring hog raisers ang nangangamba sa ASF lalo na ngayong tag-ulan, kaya’t marami sa kaniya ang patuloy na nagbabawas ng kanilang stocks dahil sa pangambang tamaan ng ASF ang kanilang mga alagang baboy at lalo lamang malugi.
Tinatayang aabot na sa 5 million baboy ang namatay sa Pilipinas mula noong unang na-detect ang presensiya ng African swine fever virus noong 2019.
















