KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo sa Purok Camia, Barangay Pangasinan, Koronadal City.
Ito ang inihayag ni Police Col. Nathaniel Villegas, provincial director ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga nasawi na sina Elvis Castillo at Poyunan Castillo, kapwa nasa legal na edad at mga residente ng Tantangan, South Cotabato.
Sa inisyal na imbestigasyon, grupo ng mga residente ng Purok Camia, Barangay Pangasinan ang nakalaban ng grupo naman nina Castillo taga-Tantangan, South Cotabato na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa.
Lumabas naman sa pagsiyasat ng mga otoridad na land conflict ang motibo ng krimen dahil sa ang pinagyarihan ng krimen ay lugar kung saan itatayo ang isang subdivision.
Narekoreber sa crime scene ang ibat-ibang baril at eksplosibo,higit 20 empty shells ng caliber 45, sasakyang at ilang mga motorsiklo.
Sa ngayon, inaalam pa ang iba pang sangkot sa krimen na nakatakas.