KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawa katao ang binawian ng buhay habang nasa higit sampunglibong pamilya na ang apektado ng malawakang baha at landslide sa ibat-ibang mga probinsiya sa Soccsksargen region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jorie Mae Balmediano, information officer ng OCD 12 lubos na apektado ang Pigcawayan, Midsayap, Aleosan at Libungan sa North Cotabato; Palimbang, Kalamansig at Lebak sa lalawigan ng Sultan Kudarat; mga bayan sa South Cotabato; Saranggani province at General Santos City.
Ang dalawang nasawi ay mula sa Lake Sebu, South Cotabato at Kalamansig sa lalawigan ng Sultan Kudarat na pawang inanod ng tubig-baha.
Sa katunayan may missing pa na pinaghahanap sa bayan ng Matalam sa North Cotabato matapos na inanod ng tubig-baha.
Maraming naitalang mga imprastruktura, pangkabuhayan, alagang hayop at mga pananim ang sinira ng baha sa nabanggit na mga lugar.
Libo-libong mga pamilya pa rin hanggang sa ngayon ang nananatili sa mga evacuation center.
Nabigyan naman ng agarang tulong gaya ng relief packs at immediate needs ang mga apektadong pamilya na lumikas.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang monitoring ng OCD-12 kaagapay ang mga LGUs at ibat-ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang DSWD-12 na nagbibigay din ng tulong sa mga apektadong pamilya sa BARMM na mas marami ang naitalang casualties.